Tuesday, October 13, 2009

Isang Gabi, Sa Ayala Boulevard..

Naghihintay ako ng Red light para makatawid sa kalsada ng Ayala Blvd malapit sa SM Manila.. Gabi na naman, ganito ang buhay ko pagkagaling sa trabaho. Sasakay ng bus mula Robinsons Galleria at bababa sa Ayala Blvd sa may kanto ng Sn Marcelino malapit sa SM Manila..

Red Light.

Beep Beeeeeeeeeeeepppp! Busina ng mga sasakyang naguunahang tumawid.

Naglakad ako patungo sa kabilang panig ng kalsada.. Sa puntong iyon, Abala pa ko sa pagiisip ng tungkol sa JAVA programming habang kasalukuyang tumatawid sa madilim na kalsada na naiilawan lamang ng malalaking head light ng mga truck at ilang maliliit na sasakyan.

“Iho, pwede ka bang maabala”

Nabulabog ang katahimikan ko at akmang inihanda ang sarili sa pagaakalang may masamang loob na tumatawag sakin.

Napaurong ako mula sa kinatatayuan nya..

“Iho, wag kang matakot.. hindi ako masamang tao”

Isa syang Ale na sa tingin ko ay may edad mula 36 to 43. Nakahawak sa kanang kamay nya ang isang batang lalaki.

“Wag kang matakot, may gusto lang sana akong sabihin.. Hindi ako masamang tao..”

Nagsalaysay sya..

Hindi ko alam kung bakit napatunganga ako ng matagal pagkatapos ng sinabi nya. Nakadalawang cycle na nga ata yung red light sa traffic light pero nakatitig lang ako sa malayo at napatanga..

Hindi narin nagsalita ang ale pagkatapos nun..

Maya maya pa, bigla na lamang akong nagkamalay at nilayasan ang ale sabay banggit ng isang pangungusap na sa tingin koy hindi nya naintindihan habang papalayo ako sa kanya at sa batang kasama nya..

Hindi naman sila mga taong kalye.. malinis syang tingnan pati ang batang kasama nya..

Nagpatuloy ako sa paglalakad pero ang kamalayan ko ay naroon parin sa naisalaysay nya sa akin.

Pauwi sa amin, habang naglalakad ako sa kalye ng Zobel. Inilabas ko ang wallet ko.. Hinanap ang nakatiklop na resibo ng pinalaundry ko sabay pila dun sa mga taong gaya ko rin na magkeclaim nung mga pinalabhan nila.. Tulala parin.

Dala dala ko na ang bag ng damit at patuloy akong naglakad papunta sa bahay namin/

Ilang Segundo pa ay nasa harapan na ako ng pintuan. Muli kong inilabas ang wallet para kunin ang susi upang makapasok.

Nadatnan ko sa loob si Raymond, pinsan ko, na nanood ng balita habang kumakain. Hindi kami masyadong nagpansinan kahit na nagkatinginan kami. Dirediretso lang ako sa pag panhik sa bahay.

Tulala parin.

Inilapag ko ang bag ng pinalaundy ko.

Napaupo ng kaunti sa mataas na bangko sabay hatak ng tatlong beses sa pisi ng wall fan at paandarin ito sa pinakamalakas ng hanging maidudulot nito..

Mga 30 segundo rin siguro akong nakatulala at nag iisip habang nakaupo at nakatutok sa electricfan.

Mga ilang Segundo pa ang lumipas bago ko naisipang alisin ang sapatos ko at magpalit ng tsinelas…

Maya maya pa, bigla akong nagmadali palabas ng bahay.

Bumalik ako sa tapat ng 711 store kung saan ko nakita ang ale at ang batang kasama nya. Pero wala na sila..

Dumiretso pa ko sa kanto ng Ayala Blvd pero di ko sila makita.

Sinilip ko ang madidilim na bangketa. Nakita ko ang ale, ganun ulit. May kinakausap syang isang estudyante naman ngayon. Katulad na katulad ng nakita ko yung ginawa nya sakin kanikanina lamang..

Sinundan ko sya.

Marami rami pang estudyante ang naglalakad dahil oras palang ng uwian..

Mejo napalayo pa ko ng konti dahil patungo na sya sa direksyon ng Taft Avenue.. nakahawak parin sa kanya ang bata at wari bay walang kaalam alam sa mundo na pakampay kampay pa at pasipa sipa habang naglalakad..

Sinundan ko sila at nakabuntot lang ako hanggang makarating sa may mejo tapat ng street light..

Napansin nya ko at tumingin sya sa likuran..

Napatitig sya sa akin.

Sa aking tingin ay nakilala nya ko..

Tumigil sya. Napalingon din sa akin ang batang kasama nya.

Sa puntong iyon na halos isang metro na lamang ang layo naming sa isat isa ay nakatayo kami ng harapan..

…..sabay abot ko sa kanya ang isang daang piso.

Tinitigan ko sya sa mata at parang nangilid pa ang luha nya habang akmang aabutin ang perang binibigay ko.

Ibinaling nya sa iba ang paningin para siguro hindi ko mahalata.

Taga San Pedro Laguna daw sila..

Bago ako nakauwi sa bahay at bago ko pa kunin ang pinalaundy ko, isinalaysay nya sa akin ang nangyari.

“Iho, pwede ka bang maabala”

Nabulabog ang katahimikan ko at akmang inihanda ang sarili sa pagaakalang may masamang loob na tumatawag sakin.

Napaurong ako mula sa kinatatayuan nya..

“Iho, wag kang matakot.. hindi ako masamang tao”

Isa syang Ale na sa tingin ko ay may edad mula 36 to 43. Nakahawak sa kanang kamay nya ang isang batang lalaki.

“Wag kang matakot, may gusto lang sana akong sabihin.. Hindi ako masamang tao. Baka lang naman pwede akong makahingi sa iyo ng pamasahe.. nadukutan kasi ako”

Natahimik ako ng mga limang Segundo bago nakapagsalita ulit.

“San po ba kayo umuuwi” . Tanong ko.

“Sa San Pedro, Laguna”. Sagot nya.

“San ho kayo sumasakay”. Sunod na tanong ko.

“Dito sa my san marcelino, o kaya naman kung wala eh babalik nalang kami sa Lawton (park ‘n ride). “Muling sagot nya.

“Magkano ho ba ang pamasahe nyo pauwi dun?” Tanong ko ulit.

“P96 pesos”

“Dalawa na ho kayo dun?”

“Ay hindi, kakandungin ko nalang to (yung bata), sayang naman yung pamasahe kung dalawa pa kami, ipangkakain nalang namin”

Sa puntong iyon, napatunganga ako ng matagal..

Pumasok sa isip ko ang maraming katanungan gaya ng.

Kumain na kaya sila? Anong oras pa kaya sila nagbalak umuwi? Ilang estudyante na kaya ang hiningan nila ng pera na wari ba’y nanlilimos na sila?

Baka may nag aalala na sakanila sa bahay at hindi pa sila nakakauwi..

Sa puntong iyon napatingin ako sa bata na wari bay walang kaalam alam sa nangyari sa kanila.

…na baka hindi na sila makauwi.

…na baka sa basurahan na sila mamulot ng kakainin…

…na baka sa malamig at madilim na bangketa na sila matutulog ngayong gabi…

…na baka hindi na nila makita ang pamilya nila at tuluyan na silang maging palaboy sa kalsada ng maynila…

Tiningnan kong maigi ang ale,

Mukha ngang hindi naman sya masamang tao. ..

Pero, kahit mukhang kaawa awa na sila, hindi parin madaling bumigay ang puso ko… Nilayasan ko sila at hindi binigyan ng kahit magkano at dumiretso sa bahay..

Pero, nagkamali rin pala ako sa sarili ko. Parang hindi ako mapakali na hindi ko sila matulungan kaya ko sila binalikan..

96 pesos.. sabihin nating 100 pesos na.. ano bang halaga nun sakin? Nakakapag arcade ako at nakakagastos ng 100 pesos. Nakakakain ako ng masasarap at minsan umaabot pa ng 200 pesos sa isang meal lang.. Pero, 100 pesos, para makauwi lang sila, hindi ko pa ba ibibigay yun? Sabihin na nating swindler nga sila at naloko ako, pero sa kabilang banda, kikitain ko naman yung 100 pesos sa isang araw ko sa opisina.. pero, pano kung hindi nila ako niloloko at hindi ko sila natulungan?

Naisip ko rin kasi na malamang walang magbibigay ng ganung halaga sa kanila dahil nasa teritoryo sila ng mga estudyante.. Estudyante na hindi pa naman kumikita ng sarili nilang pera.

…..

….

Matapos abutin ng ale ang 100 pesos na ibinigay ko, sinabihan ko sya ng ganito.

“Nay, wag na ho kayong masyado maglakad lakad dito sa Ayala blvd . Delikado ho dito.. Umuwi nalang ho kayo agad… Saka, mag ingat po kayong maigi sa susunod..”

Sagot nya sakin, “Salamat Anak”

Sabay talikod ko, naglakad papalayo at di na muling lumingon……

October 13, 2009

Around 7:40 PM

Ayala Blvd, Manila.





Best Viewed in
1024 x 768
Internet Explorer